‘Bato’ inaming napipikon na rin sa mga patutsada laban sa kaniya

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Inamin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na medyo napipikon na rin siya sa mga patutsada ng mga kritiko laban sa kaniya at sa ahensiyang kaniyang pinamumunuan.

Ani Dela Rosa, nakakasama umano ng loob dahil kapag ang kaniyang mga kritiko ang magsalita, parang mahinang klase umano ang mga kapulisan sa bansa.

“Yes [napipikon din ako]. Well ‘pag sila magsalita, sila lang talaga ang magaling, hindi kami magaling, mahinang klase kami. We are ready to accept that. Normal lang, tao lang tayo,” ani Bato sa isang press conference nitong Lunes.

“Medyo napipikon tayo despite sa wala tayong tulog, despite sa pagsusumikap ng pulis natin na malinis ‘yung kalsada at maibalik ‘yung safety environment sa ating mga mamamayan, normal lang ‘yan dahil you cannot please everyone,” dagdag pa ng opisyal.

Magugunitang tinawag ni Senador Richard Gordon na ‘Bato-gan’ si Dela Rosa dahil umano sa kabiguan ng huli na sugpuin ang krimen ng riding-in-tandem sa bansa.

Iginiit din ni Dela Rosa na maaari pa rin niyang tanggapin anumang pangalan o bansag ang itawag sa kaniya dahil kasama ito sa kanilang trabaho.

“Kasama ‘yan sa suweldo na tinatanggap namin, ‘yung laitin ka, ‘yung mumurahin ka, ‘yung pagdududahan ka, ‘yung ibu-bull out ka. Kasama ‘yan sa suweldo namin so I can take whatever name he wants me to assume,” wika ni Dela Rosa.

Pinaalalahanan din Bato si Gordon na hindi natutulog ang kapulisan at marami na silang nahuli na riding-in-tandem.

“Pakisabi naman kay Honorable Senator na marami po kaming nahuli na riding in tandem. Marami kaming nahuli. Hindi po natutulog ang pulis ninyo,” dagdag pa nito.