COA kinastigo ang Bulacan province dahil sa P68-M na ginamit sa pagpapatayo ng basketball court mula sa education fund

Image from Inquirer

MAYNILA, Pilipinas  –  Hindi pinalampas ng Commission on Audit (COA) ang hindi maayos na paggastos ng probinsiya ng Bulacan sa pondong dapat sana’y nakalaan sa edukasyon.

Partikular na kinuwestiyon ng COA ang 15 proyektong nagtayo ng covered courts na nagkakahalaga ng P54,262,161.11 at 4 na proyektong nagtayo at nagsaayos ng mga school buildings na nagkakahalaga naman ng P14,475,470.85.

Ayon sa COA, hindi umano ito mga ‘priority projects’ bukod pa sa hindi maayos ang pagkaplano at pagkagawa na ang pondo ay kinuha sa Special Education Fund (SEF) ng probinsiya.

Ang SEF, paliwanag ng COA, ay nilikha para maglaan ng pondo sa rehabilitation, construction at maintenance ng mga school buildings at mga sports activities.

Lumabas sa pagsisiyasat ng COA na ang 15 covered courts na ginawa ay itinayo sa mga eskuwelahang kulang pa ang mga silid-aralan.

“The improper charges made to the fund affected the effective and efficient delivery of top education programs such as operation and maintenance of public schools, construction/repair/maintenance of public school buildings, educational research purchase of books and periodicals, chargeable under the SEF,” anang ulat ng state auditors.

Bukod dito, pinuna rin ng COA ang kabiguan ng probinsiya, sa pamumuno ni Governor Wilhelmino Sy Alvarado, na isakatuparan ang 11 sa 20 na  Bottom-Up Budgeting (BUB) sa kabila ng pag-release ng pondo sa tamang oras.

Pinakokolekta rin ng ahensiya ang P22.6 million na ipinautang nito sa mga kooperatiba at small entrepreneurs (SMEs) na hindi na nababayaran sa loob ng 10 taon.