DND nagsumite na ng kanilang rekomendasyon kay Duterte hinggil sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao

Image from PCOO

Isinumite na ng Department of National Defense (DND) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang rekomendasyon hinggil sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Ayon kay Defense Secretary Delfin N. Lorenzana, isinumite na nila ang kanilang posisyon kay Duterte nitong Hulyo  13.

Magugunitang Mayo 23 nang ideklara ni Duterte ang martial law sa Mindanao kasunod ng patuloy na bakbakan sa pagitan ng militar at ISIS-linked Maute group.

Nakatakdang magtapos ang martial law sa Mindanao sa darating na Hulyo 22. Hindi naman nagbigay ng detalye ang DND sa kanilang rekomendasyon.

We will have to wait for the President’s final decision on the matter. What I submitted to him was my recommendation from the security sector as Administrator of Martial Law in Mindanao after consulting with the CSAFP (Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines) General Año,” wika ni Lorenzana.

Dagdag pa nito, si Duterte pa rin magdedesisyon kung ikokonsidera nito o hindi ang kaniyang rekomendasyon, ayon sa ulat ng GMA.

Nauna nang inihayag ni Duterte na hindi pa umano aalisin ang Martial Law sa Mindanao ngunit depende sa assessment na mairerekomenda ng Armed Forces of The Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Marawi City.

Naiulat din na nais umanong isulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagpapalawig sa Batas Militar sa  Mindanao hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte.