Erich Gonzales nagsalita na kung bakit tinanggihan ang alok na ‘coffee date’ ni Xian Gaza

Images from Xian Gaza's Instagram/ Erich Gonzales' Facebook posts

MAYNILA, Pilipinas  –  Tinanggihan na ni Erich Gonzales ang alok na coffee date ng isang netizen na nagbayad pa ng malaking billboard sa may kanto ng Morayta at Recto Avenue sa Maynila kamakailan.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa aktres nitong Linggo, inilahad nito ang dahilan kung bakit nagdesisyon siyang hindi tanggapin ang offer ni Xian Gaza; isang mayaman at batang negosyante na nagpakilalang CEO ng Guanxiqian Group na nakabase sa Hong Kong.

“To be honest, regarding that issue, noong una, just like you guys, na-surprise ako. Natuwa naman ako sa effort,” ani Erich.

“As things unfolded, lumabas ‘yung mga expose about him, ako naman kasi personally, lahat naman ng supporters ko naa-appreciate ko lahat ng ginagawa nila, malaking bagay o maliit man ‘yan,” dagdag pa ng aktres.

Subalit nagdalawang-isip umano siya nang magsimulang mag-post ng mga messages sa social media si Gaza.

“Parang naging uncomfortable ako. After talking to my family and my closest friends, I decided not to meet him na lang,” paliwanag ng aktres, na kahihiwalay pa lamang matapos ang ilang taong relasyon kay Daniel Matsunaga.

Magugunitang umani ng samu’t-saring reaksiyon mula sa netizen ang alok sa billboard ni Gaza na may katagang: “I can’t even espresso how much I like you a latte. Will you drink coffee with me?”

Lumabas din ang ilang alegasyon na ginagamit lang ni Gaza ang aktres pati na rin ang pagiging dating scammer umano nito.

Samantala, inamin rin ni Erich na bagama’t wala pa siyang karelasyon sa kasalukuyan, marami umanong nagpaparamdam subalit nais muna niyang mag-focus sa sarili at sa pamilya.

“Right now, madami pong dahilan para maging masaya at maging grateful,” ayon pa sa aktres.