FB group chat, ginagamit sa bentahan ng ilegal na droga

Image capture of video by GMA News

Walong suspek na gumagamit ng Facebook (FB) group chat sa bentahan ng ilegal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos makapasok sa nasabing online private group ang isang ahente ng PDEA.

Ipinakita sa video na ibinahagi ng GMA News ang screenshots ng usapan ng mga miyembro ng FB group chat kung saan ipinakikita ang ilang “items” na ibinebenta ng grupo tulad ng marijuana at shabu. Hindi umano madaling makasali sa nasabing group chat dahil mga kakilala at kaibigan lang ang maaaring sumali sa grupo.

“Before ka makapasok diyan dapat may personal kang kakilala doon. Somebody na kilala ka kung nasaan ‘yung bahay mo, usually close friends din nila,” ayon kay Dheo Tabor ng PDEA Rizal Provincial Office.

Sa kabila ng paghihigpit ng mga suspek sa pagtanggap ng bagong miyembro sa group chat, isang ahente ng PDEA ang tagumpay na nakasali sa kanila at nakabili ng droga.

Naaresto ang mga suspek matapos magkasa ng tatlong magkakasunod na buy-bust operation ang PDEA.