Gordon: Mali si Pang. Duterte sa pag-reinstate kay Supt. Marcos

Image from Richard "Dick" Gordon SupportersImage from Richard "Dick" Gordon Supporters

MAYNILA, Pilipinas  –  Nagkamali si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging desisyon nito na ibalik sa puwesto si Police Superintendent Marvin Marcos na nasangkot sa pagpatay kay Albuerra, Leyte Mayor Rolando Espinosa Nobyembre noong nakaraang taon.

Ito ang paniniwala ni Senador Richard ‘Dick’ Gordon, ang chairman ng Senate Blue Ribbon committee na planong imbestigahan ang naging desisyon ni Duterte.

Si Supt. Marcos ay kasama sa 19 pulis na maibabalik sa puwesto matapos ibaba ng Department of Justice (DOJ) sa homicide ang kasong murder na dati nang isinampa laban sa kanila.

“Ako masasabi ko nang tahasan na mali ang Presidente dito,” ani Gordon sa panayam ng GMA News.

Dagdag pa ng mambabatas, murder ang kasong kinakaharap ni Marcos at ng 18 pang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ni Espinosa at  ang‘aggravating circumstances’ ay mas matimbang kesa sa ‘mitigating circumstances’.

Ang naging desisyon umano ng Pangulo ay nagpalakas lamang sa paniniwala ng karamihan na kapag pulis ang nahaharap sa kaso, madali nila itong matatakasan.

“Lahat nagagalit, bakit palalabasin ‘yan, porke ba pulis? Sa kapulisan it reinforces the theory na pag police ang kasama — kabaro — papalusitin at papalusutin,” paliwanag ng senador.

Kamakailan, nagpahayag din ng pagkadismaya si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, dating PNP chief, sa pag-reinstate kay Supt. Marcos.

“In sum, there is a phrase to describe this whole damn thing: Put*ng I*a!” bulalas ni Lacson nang kunan ng reaksyon tungkol sa naging desisyon ni Duterte.