Gordon: ‘Multiple homicide’ dapat ang isinampang kaso vs. PNoy

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  ‘Na-water down’; ito ang naging reaksiyon ni Senador Richard Gordon sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay dating Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino hinggil sa umano’y pananagutang kriminal ng huli sa madugong Mamasapano encounter.

Magugunitang sinampahan lamang ng Ombudsman si Aquino ng kasong “usurpation of authority” at paglabag sa Section 3(a) ng Republic Act No. 3019, o mas kilala sa tawag na “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”.

Para kay Gordon, dapat ay multiple homicide umano ang isinampa ng Ombudsman dahil masyadong ‘malabnaw’ ang mga nabanggit na kaso.

“I think winater-down iyan. To me, bakit usurpation babagsak iyan?” tanong ng senador, na naniniwalang may ‘command responsibility’ si Aquino sa nangyaring trahedya dahil siya ang in-charge.

Ito rin ang naging sentimiyento ng ilang kaanak ng SAF 44 na nais papanagutin si Aquino sa mga kasong kriminal dahil sa pagkamatay ng kanilang mga minamahal sa buhay.

Ayon pa kay Gordon, walang ipinagkaiba ang ginawa ng Ombudsman sa ginawa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa kaso ni Police Supt. Marvin Marcos na na-downgrade din mula sa murder hanggang homicide na lamang dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa noong nakaraang taon.

“Bakit ba pag malala­king tao ang involved ay medyo nag-aagam-agam na lumabas ang katotohanan,” pakli pa ng senador.

Balak din daw na muling buksan ni Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee sa Senado, ang imbestigasyon sa Mamasapano.