Gordon, planong buksan ang imbestigasyon ng Mamasapano sa Senado

File photo

Balak umano ni Senador Richard Gordon na muling buksan ang imbestigasyon ng Mamasapano encounter na ikinasawi ng Special Action Force (SAF) 44 sa Senado.

Hindi rin kuntento si Gordon, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sa isinampang kaso ng Ombudsman laban kay dating pangulo Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Giit ni Gordon: “I think winater-down iyan.”

Ani Gordon na walang exempted sa imbestigasyon at kailangan umano magpakalalaki si Aquino at harapin ang magiging resulta ng pangyayari.

Malaki rin ang posibilidad na ipatawag si Aquino sa Senado sakaling matuloy ang imbestigasyon sa Senado.

Dagdag pa ni Gordon na mas makabubuti na tularan ni Aquino si dating pangulong Fidel V. Ramos na boluntaryong humarap sa Senado upang sagutin ang mga akusasyon noon sa kaniya.

Sinabi rin ni Gordon na dapat noon pa sumipot si Aquino sa unang imbestigasyon na inilunsad ng komite ni Senador Grace Poe, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Huling nabuksan ang imbestigasyon ng Mamasapano incident noong Enero 2016 batay sa hiling ni Senador Juan Ponce Enrile.

Samantala, sinabi naman ni Poe na wala dapat katakutan si Aquino kung wala naman itong nagawang mali, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Ikinatuwa rin ni Poe ang pasya ng Ombudsman na sampahan ng kaso si Aquino.