Malacañang sa mga taga-Marawi: Hintaying matapos ang krisis bago bumalik

File photoFile photo

Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga taga-Marawi na hintayin munang matapos ang krisis bago bumalik sa Marawi City.

Ito ay kasunod ng binabalak na pagbabalik ng ilang pangkat ng “Occupy Marawi” sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi.

Paliwanag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, nauunawaan ng Malacañang ang nararamdaman ng mga residente ng Marawi ngunit kailangang isaalang-alang ang kanilang kaligtasan.

Sinabi pa ng Malacañang na walang kasiguraduhan na ligtas na ang ibang bahagi ng lungsod dahil patuloy pa ang clearing operations ng militar sa mga iniwang patibong ng Maute-ISIS at may mga insidente rin na mayroon pang tinatamaan ng ligaw na bala, ayon sa ulat ng DWIZ 882 AM.

Tiniyak naman ng mga bakwit na nasa Dumaguete City na babalik sila sa kanilang lugar sa Marawi kapag natapos na ang gulo at tahimik na ang lungsod, ayon sa ulat ng RMN.

Nanawagan din sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik ang ganda ng Marawi at mabigyan sila ng hanapbuhay.

Samantala, malabo umanong matapos ang krisis sa Marawi bago ang SONA ni Pangulong Duterte sa Hulyo 24, 2017, ayon sa ulat ng Pilipino Star Ngayon.

Paliwanag ni AFP Brig. Gen. Restituto Padilla Jr.: “Yeah, so we are right into the 10 to 15 days of the President. But the 10 to 15 days is beyond the SONA, by the way, so don’t expect it to be before the Sona.”