Maute Group, natitimbrehan sa mga galaw ng militar kaya hindi maubus-ubos

Image capture of video by GMA News

Nakatatanggap umano ng “timbre” o impormasyon upang bigyan ng babala ang Maute Group tungkol sa mga galaw ng militar lalung-lalo na sa pagsasagawa ng airstrikes, ayon sa isang lokal na lider sa Marawi City.

Sa panayam ng GMA kay Agakhan Sharief, isang lider sa Marawi na diumano ay personal na nakausap si Abdullah Maute, ipinapaabot ng mga sympathizers at supporters sa Maute Group sa pamamagitan ng mga text messages ang mga galaw ng militar laban sa grupo.

“May naka-text sa kanila, darating ‘yung eroplano, tago sila sa mga imburnal or naghiwa-hiwalay sila,” sabi ni Sharief.

“Sabi ni Abdullah, kung gusto ng presidente patayin kami, ubusin na niya ‘yung puwersa niya. Pero, kung gusto n’yo umalis kami diyan, sabi ni Abdullah, ipamagitan n’yo ang MILF (Moro Islamic Liberation Front), aalis kami,” dagdag pa ng lokal na lider.

Sa palagay ni Sharief ay tatagal pa ang bakbakan sa Marawi dahil marami umanong naimbak na mga pagkain at “groceries” ang Maute Group. Pitong drug stores din umano ang kontrolado ng grupo kaya marami silang supply ng mga gamot.

Tinatayang nasa pagitan ng 70 at 80 na lamang umano ang mga natitirang miyembro ng Maute Group sa Marawi City.