Mga taxi driver na tumatanggi sa mga pasahero, pagmumultahin ng P20,000  

File photoFile photo

Babala sa mga pasaway na tsuper!

P20,000  umano ang naghihintay na multa  sa mga taxi drivers at iba pang pampasaherong sasakyan na tatanggi sa mga pasahero at hindi gagamit ng metro ng taxi sa oras na maisabatas ang House Bill 4433.

Ayon sa House Bill 4433  na inakda ni AANGAT TAYO party-list Rep. Neil Abayon III, apat na beses na mas mataas sa itinakdang parusa sa mga tumatanggi at nangongontratang taxi drivers at iba pang uri ng pampasaherong sasakyan.

Nakasaad sa Section 2 ng panukala ni Abayon, papatawan ng P10,000 hanggang P20,000 ang mga taxi drivers na hindi gagamit ng taxi meter at maniningil ng mas mahal na pasahe.

Ayon sa ulat ng Abante Tonite, ang multang itinakda ay mas mataas ng dalawa hanggang apat na beses sa Joint Administrative Order No. 2014-01 ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga tumatangging taxi drivers  dahil aabot lamang ito ng P5,000.

Batid ng marami na may mga taxi drivers ang nangongontrata dahil matrapik sa destinasyon at malulugi diumano sila kapag nagsakay ng pumarang pasahero.

Maliban pa rito  may mga taxi drivers na nagtatanong muna kung saan ito pupunta at kung ayaw ng destinasyon ay agad itong tatakbo papalayo.

This bill seek to encourage taxi drivers to honor the law and bear always in mind that the contract of carriage and the obligation of common carriers is at all times vested with public interest,” wika ni Abayon sa kanyang panukala.

Lahat ng mga sasakyang sangkot, ay ipapa-impound sa loob ng isa hanggang anim (6) na buwan depende sa bigat ng paglabag ng driver na inireklamo ng pasahero.

Kung sakaling maulit ang paglabag ng taxi driver, at sa oras na ito’y ganap nang naging batas ay tuluyan na itong tatanggalan ng lisensya.

Maaari namang tumawag sa opisina ng Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) sa mga numerong: Office of the Chairman : 426-2519 / 426-2505, Admin Division : 426-2501 Public Assistance : 426-2515. Maaari ding mag-email sa: complaint.ltfrb.gov.ph[AT]gmail.com para sa inyong mga reklamo.