Notoryus na ‘drug lord’ ng Luzon, patay sa engkuwentro sa QC

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Patay ang isang pinaghihinalaang drug lord na matagal nang nagtatago at dalawa pa niyang kasamahan matapos manlaban ang mga ito sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ng QCPD ang napatay na si Johnny De Leon; isa umanong notoryus na drug lord ng Region 2 at aktibo sa mga probinsiya ng Isabela, Cagayan at Nueva Vizcaya bilang supplier ng shabu.

Si De Leon ay matagal nang pinaghahanap ng mga awotridad at sisilbihan sana ng warrant of arrest sa kaniyang inuupahang bahay sa Barangay Pag-asa, Quezon City bandang alas-5 ng umaga.

Habang kumakatok ang mga pulis, bigla umanong nagpaulan ng bala ang grupo ni De Leon; sanhi upang gumanti naman ng putok ang mga awtoridad.

Bukod kay De Leon, patay din ang kaniyang bodyguard na na nakilalang si Arnold Manipon, 61, at isa pang lalaki na tinatayang edad 30 hanggang 35 anyos.

Nakuha mula sa tinitirhang bahay ng suspek ang isang bankbook na nakapangalan kay De Leon at naglalaman ng milyones na halaga ng pera.

Nasamsam din ng mg pulis ang 3 baril at 6 na pakete ng pinaghihinalaang shabu.