Pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao hanggang 2022 isusulong ni Speaker Alvarez

Image from Alvarez's Facebook pageImage from Alvarez's Facebook page

Isusulong umano ni House Speaker Pantaleon Alvarez na palawigin ang Batas Militar sa  Mindanao hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, ang pagpapalawig ng Martial Law ay upang matugunan ang problema ng terorismo sa  Mindanao.

Bilang taga-Mindanao, sinusuportahan ko ‘yung martial law even until up to 2022 para lang matapos itong gulong ito,” ani Alvarez; kasabay ang paglilinaw na hindi ito ang posisyon ng House of Representatives.

Alam mo ‘yung rebelyon, kung ‘di nila naintindihan, mahigit 40 years na ‘yan. Hanggang ngayon ‘di tapos o. Kahit sa Mindanao lang matapos na ‘yan,” dagdag pa ni Alvarez.

Para kay Alvarez, napakaikli lamang ng dalawang buwan upang pairalin ang Martial Law sa Mindanao. Kung sakaling makumbinsi niya ang kapwa mambabatas, ito’y kaniyang isusulong hanggang 2022.

Sa Hulyo 22 ang ika-60 araw ng pagkakadeklara ng Martial Law sa Mindanao. Sinabi ni Duterte na hindi niya aalisin ang Martial Law sa Mindanao dahil nakadepende ito sa assessment na mairerekomenda ng Armed Forces of The Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Marawi City.