Pulis inaresto dahil sa pambubugbog sa kaniyang stepson

Image capture from ABS-CBN News videoImage capture from ABS-CBN News video

MAYNILA, Pilipinas  –  Napilitang dalhin sa presinto ng kaniyang mga kabaro ang isang pulis na inirereklamo ng pambubugbog sa kaniyang stepson sa Barangay Holy Spirit, Quezon City madaling-araw nitong Lunes, ika-17 ng Hulyo.

Ayon sa ulat ng GMA News, galing sa inuman si Police Supt. Lorenzo Bacia, na dating nakatalaga sa  Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) ng Philippine National Police PNP), nang pagdiskitahan nito ang anak ng kaniyang asawa.

Kuwento naman ng barangay tanod na si Froilan Macabenta, problema sa pamilya ang sinasabing dahilan ng gulo at ganun daw talaga ang asal ng pulis kapag nalalasing ito.

Nagtamo ng mga pasa sa pisngi ang bata dahil sa naturang pambubugbog.

Subalit iginiit ng lasing na si Bacia na dinidisiplina lamang niya ang stepson kaya nasaktan niya ito. Hindi naman masabi ng pulis kung ano ang nagawang mali ng bata para disiplinahin niya ito.

Sa kabila ng lahat, nagkaayos naman kaagad si Bacia at ang misis at anak nito.