VIDEO: Nambubugbog umanong kinakasama, patay sa pananakal ng ginang

Mga imahe mula sa isang YouTube video.

Napatay ng isang ginang sa siyudad ng Pasig ang kanyang kinakasama na umano’y nambubugbog sa kanya.

Batay sa ulat ng GMA News, nagdilim ang paningin ni  Margarette Mabalo,38, kaya nagawa nitong sakalin hanggang mamatay ang kinakasamang si Michael Apolinario, 27.

Si Mabalo ay sumuko sa tanggapan ng Pasig City Police nitong Huwebes, July 13, 2017.

Kuwento ng ginang, gumanti lamang siya matapos siyang bugbugin na naman ni Apolinario sa loob ng kanilang bahay noong Martes ng gabi.

“Sinusuntok niya ako nang sinusuntok… ‘Di ko na na-control, nakita ko ‘yung electric fan, binato ko sa kanya, tapos nahawakan ko po ‘yung cord, naikot ko po sa leeg niya,” sabi ni Mabalo habang humahagulgol.

Halos hindi na umano mabilang ni Mabalo kung ilang beses na siya pinagbuhatan ng kamay ni Apolinario sa loob ng limang taon nilang pagsasama. Hinggil sa suspek, ang malimit nilang pag-awayan ay pera.

“Lagi po niya ako binubugbog tapos ‘di niya ako binibigyan ng pera ‘pag sumasahod. Tapos siya pa galit ‘pag dating niya na wala siyang kakainin,” sabi ng ginang.

Humingi naman ng tawad si Mabalo sa kanyang napaslang na kinakasama, na ama ng kanyang dalawang anak.

“Mahal na mahal kita. Patawarin mo ako,” saad niya.

Samantala, tandaan na maaaring isuplong sa pulis o barangay ang pananakit o pisikal na pang-aabuso bago pa man ito mauwi sa trahedya.

Panoorin ang buong ulat ng GMA News sa YouTube video na ito:

Source :

YouTube, GMA News