2 lalaking nagpanggap na Customs employees, arestado sa entrapment

Imahe mula sa Twitter account ni Michael Joe Delizo.

Dalawang lalaking umano’y nagpanggap na empleyado ng Bureau of Customs (BOC) ang nahuli sa isang entrapment operation sa Port Area, Maynila noong Linggo, Agosto 13, 2017.

Hinggil sa ulat ng ABS CBN News, ang mga suspek ay sina Romello Muring at Julius Sarmiento.

Ang dalawang nahuli ay nagkukunwari na sila ay nagbebenta ng mga gamit sa buy-and-sell website, saad ng mga ulat.

Ang modus umano ng dalawa ay nagpupunta sila sa mga convenience store na malapit sa Customs. Matapos makuha ang tiwala ng mga biktima, kukunin nila ang bayad sa gamit na ibinebenta kahit hindi pa nila dala ito.

Diretso pasok naman ang dalawa sa loob ng Customs para raw asikasuhin ang pagproseso sa mga gamit. Lingid sa kaalaman ng mga biktima, wala nang balak magpakita ulit ang dalawang lalaki.

Sa ikinasang entrapment operation, tinanggap nina Muring at Sarmiento ang P75, 000 marked money na ipinain sa kanila bilang kabayaran para sa mga gadget.

Nasamsam din sa kanila ang mga umano’y ID ng iba pang empleyado ng Customs.

Dipensa ng dalawa, napag-utusan lamang ng isang Atty. Louie Santiago na isa umanong deputy collector ng BOC.