700 pamilya sa Malabon, nawalan ng bahay dahil sa sunog

Mga imahe mula sa PHL News Online at Updates Metro Manila Twitter accounts.

Nasa 700 na pamilya ang nawalan ng bahay matapos tupukin ng apoy ang mahigit 300 barong-barong  sa siyudad ng Malabon noong Sabado ng gabi, Agosto 12, 2017.

Sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ng Malabon Bureau of Fire and Protection (BFP) na nag-umpisa ang sunog bandang ika-pito ng gabi sa Remedios St., Barangay Maysilo, Malabon.

Ang sunog, ayon sa mga imbestigador, ay umabot sa ikaapat na alarma ganap na 7:45 ng gabi.

Saad ng Malabon BFP, mabilis na kumalat ang apoy dahil ang mga barong-barong ay gawa sa mga materyales na madaling matupok.

Nahirapan umano ang mga bumbero na puksain ang sunog dahil sa masikip ang mga daanan patungo sa mga barong-barong.

Ganap na 10:38 ng gabi nang magdeklarang fire out ang BFP Malabon, hinggil sa mga ulat.

Mahigit 30 fire trucks naman umano ang rumesponde para maapula ang sunog na nagtagal nang mahigit tatlong oras.

Ang ilang residente umanong nakahiga na noon sa kanilang mga kama ay biglang napabangon matapos silang makaamoy ng usok, at marinig ang mga tao sa labas ng kanilang bahay na sumisigaw na may sunog.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng Malabon BFP kung ano ang nagsanhi ng sunog na tumupok sa mahigit 300 na barong-barong.