Christian Bables, Bibida sa MMK Bilang Macho Dancer

larawan mula sa Instagramlarawan mula sa Instagram

Matapos mapansin sa kanyang ‘di-matatawarang pagganap bilang “Barbs” sa award-winning movie na Die Beautiful na pinagbidahan ni Paolo Ballesteros, tuloy-tuloy na nga ang pagsikat at pagganap sa telebisyon ng baguhan subalit mahusay na aktor na si Christian Bables.

Bibida si Bables sa episode ng Maalala Mo Kaya o MMK, ang longest-drama anthology ng Kapamilya Network sa Agosto 12, 2017 bilang isang macho dancer. Gagampanan ni Bables ang karakter ni Ben, anak ng yumaong batikang tv host at aktres na si Helen Vela sa pagganap ni Gloria Diaz, na kapatid naman ng isa sa mahuhusay na kontrabidang si Princess Punzalan, na bibigyang-buhay ni Ritz Azul.

Hindi naging madali ang pinagdaanan sa buhay ni Ben dahil naging mainit sa kanya ang mata ng publiko lalo na sa estado ng kanyang pamilya. Nahirapan siyang tanggapin ang kanyang sarili dahil na rin sa panlilibak sa kanya ng mga tao dahil sa kanyang hitsura at sa katotohanang anak lamang siya sa labas.

Gumuho ang daigdig ni Ben nang namayapa ang kanyang ina. Umalis siya sa poder ng kanyang mga kapatid, nagpakalayo-layo, at napadpad sa isang gay bar kung saan siya’y naging macho dancer.

Kabilang din sa naturang episode sina ­Ingrid dela Paz, Micah Javier, Alex Castro, ­Angelo ­Ilagan, JB Agustin, Kyline Alcantara, Nathaniel Britt, at Toby Alejar. Si Raz dela Torre ang nagdirehe nito  sa panulat ni Shugo ­Praico.

Hindi ito ang unang beses na gaganap si Bables sa isang drama anthology dahil gumanap na rin siya sa Magpakailanman sa Kapuso Network kasama ang beteranang aktres at direktor na si Gina Alajar.

Malaki ang pasasalamat ni Bables sa sunod-sunod na proyekto at oportunidad na ibinibigay sa kanya; gayundin sa mga gantimpala at pagkilalang natatamo niya bilang mahusay na aktor. Kamakailan lamang ay napasama rin siya sa blockbuster hit at reunion movie nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na Finally Found Someone na nasa ilalim ng Star Cinema. Siya rin ang bibida sa sequel ng Die Beautiful na may pamagat na Born Beautiful.

Mapapanood ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN Kapamilya Network.

Samantala, panoorin ang trailer ng inaabangang episode na may hash tag na #MMKLimelight: