Comelec Chair Bautista, pinag-iisipan, pinag-aaralan at pinagdarasal ang pagbibitiw sa puwesto

Image capture of video by Inquirer

Pinag-iisipan, pinag-aaralan at pinagdarasal ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang planong pagbibitiw sa puwesto.

Ito ay sa gitna ng akusasyon na diumano’y nagkamal ito ng malaking salapi habang nasa puwesto.

Ani Bautista: “We’re considering various options, pero pinag-iisipan, pinag-aaralan, at pinagdadasal natin. I think this is part of the process.”

Sinabi rin niya na iginagalang nito ang proseso ng sinasabing isasampang impeachment laban sa kaniya, ayon sa ulat ng Abante Tonite.

Aniya: “Ganyan talaga ang proseso.”

Ibinahagi naman ng Comelec chair ang kasiyahan na makita ang suporta ng mga empleyado ng Malolos Election Congress kung saan suot ng mga ito ang puting damit na may nakalagay na “We stand for Chairman Andy”.

Wika niya: “Nakatataba ng puso at nakapagbibigay ng lakas.”

Kamakailan, nakangiti ring humarap si Bautista sa flag raising ceremony ng mga empleyado ng ahensya sa Maynila na nagpakita rin ng suporta sa kaniya, ayon sa ulat ng Balitang DF.

Samantala, mariin na itinanggi ng Comelec chair ang sinabi ng kaniyang asawa na si Patricia Bautista na hindi niya idineklara sa kaniyang statement of assets and liabilities networth (SALN) na may isang bilyong kayamanan noong 2016.

Ayon sa Comelec chair, ninakaw ng kaniyang misis ang iba pang bank documents at passbooks sa kanilang bahay.