DA Sec. Piñol, magbibitiw kapag umabot ang bird flu sa Visayas, Mindanao

Mga imahe mula sa Wikipedia at Bombo Radyo Roxas FB page.

Magbiibitiw umano sa kanyang puwesto si Department of Agriculture (DA) Sec. Emmanuel “Manny” Piñol kapag umabot sa Visayas at Mindanao ang avian influenza o bird flu.

Batay sa ulat ng GMA News, sinabi ito ng kalihim noong Lunes sa isang briefing sa Quezon City.

“‘Pag kumalat ito sa Visayas at sa Mindanao, dahil sa kapabayaan ko, mag-re-resign ako,” matapang na sabi ni Piñol.

Iniulat kamakailan ng DA na nagkaroon ng “outbreak” ng avian influenza o bird flu sa isang poultry farm sa Barangay San Agustin, San Luis, Pampanga, hinggil sa isang artikulo ng SunStar Pampanga.

Kasalukuyang nasa state of calamity ang probinsya ng Pampanga, dahil sa natuklasang “outbreak” ng bird flu.

Matapos matuklasan ito, nag-utos ang Bureau of Animal Industry ng isang kilometrong quarantine radius at pitong kilometrong quarantine zone.

Iniatas naman ng kalihim ng DA na magkaroon ng ban sa pagbiyahe ng “poultry at poultry products” palabas ng Luzon.