De Lima kay Alvarez: Kapansin-pansin ang pagiging ignorante sa mandato at tungkulin ng CHR; Alvarez, ang CHR ay dapat para sa lahat

File photoFile photo

Iginiit ni Senador Leila De Lima na kapansin-pansin ang pagiging ignorante ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa mandato at tungkulin ng Commission on Human Rights (CHR), ngunit pinanindigan ni Alvarez na ang ahensya ay dapat para sa lahat.

Itinuring ni De Lima na ignorante si Alvarez dahil sa naging banta nito na huwag bigyan ng pondo ang CHR at i-impeach si CHR Chairman Chito Gascon.

Paliwanag ni De Lima, ang chairpersons ng CHR ay hindi impeachable officials ngunit maaaring matanggal mula sa Office of Ombudsman o bigyan ng disiplina.

Ipinunto rin ng senadora na hindi nilikha ang CHR upang protektahan ang mga opisyal ng pamahalaan at mga pulis.

Aniya, trabaho ng CHR na tiyakin na hindi naaabuso ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang kapangyarihan, ayon sa ulat ng Brigada News.

Samantala, kinukuwestiyon ni Alvarez ang pagdipensa ni Gascon sa mga suspek sa krimen at pagbisita nito kay De Lima sa kulungan.

Aniya: “Itong ating Commission on Human Rights ay ang pino-focus lang ay ‘yung mga karapatan ng kriminal at tipong wala silang pakialam dun sa karapatan nung mga biktima nitong mga kriminal na ito. Madalas kong maobserbahan ito at matagal ko nang inoobserbahan ito na tuwing merong mga massacre na ginagawa itong mga kriminal, itong mga drug addicts eh tahimik sila. Parang pasko sa kanila yun—yung ‘Silent Night’—walang comment.”

Pinangatwiranan din ni Alvarez na dapat ang human rights ay para sa lahat.

Paliwanag niya: “Ngayon ‘pag meron namang halimbawa, may mga insidente na may namatay at meron silang pagdududa na ito ay extra-judicial killing na ginawa nung ating mga kapulisan ay talagang maingay sila. Eh bakit naman ganun? Akala ko ba ‘yung human rights ay para sa lahat. Ay, bakit namimili sila ng pinoprotektahan at inaalagaan na karapatan.”

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa ABS-CBN News: