Debris ng missile strike ng North Korea sa Guam, posibleng umabot sa Pilipinas – AFP

Image from Jung Yeon-Je

Nagbigay ng babala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaari umanong maapektuhan ang bansa kapag itinuloy ng North Korea ang bantang missile strike sa Guam; isang islang teritoryo ng Estados Unidos sa Western Pacific.

Sa ulat ng Rappler, sinabi umano ni Armed Forces of the Philippines spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla sa isang news conference na ang ilang baybaying dagat sa dakong hilaga ng bansa ay posibleng tamaan ng mga debris ng missile.

Sinabi ni Padilla na malayo namang mangyari na tamaan ng missile ang Pilipinas dahil Guam naman ang target, subalit kung sakali umanong mag-disintegrate sa atmosphere ang missile ay maaaring tumama ang mga debris sa ilang baybaying dagat ng bansa.

At dahil nga sa malayong posibilidad na iyon ay dapat umanong maging mapagmatyag ng ating mga mamamayan sa nasabing lugar, anang tagapagsalita ng AFP.

Sa kasalukuyan ay may nagaganap na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at North Korea.