DOH: Ligtas pa rin kainin ang poultry products sa kabila ng avian flu sa Pilipinas

Public domainPublic domain

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ligtas pa ring kumain ng poultry products sa kabila ng avian flu sa Pilipinas.

Ani DOH Spokesman Dr. Eric Tayag, kailangan lang umanong lutuin nang maayos ang mga poultry products at iwasan muna ang soft boiled o half cooked na itlog.

Aniya: “Hindi po ito nakahahawa kung lulutuin nang maayos. Iwasan lang po muna ‘yung mga hindi gaanong luto para tiyak na wala na itong nakakapit na sakit.”

Dagdag pa ni Tayag, wala pang animal to human transmission ng nasabing avian flu.

Sa kabila nito, ang mga nagkakatay o nagtatapon ng patay na mga manok ay dapat mag-ingat.

Payo pa ng spokesman, kailangan umanong sundin ang tamang proseso ng disposal ng waste, siguraduhin na maipatutupad ang quarantine at walang mailalabas na mga poultry product mula sa nasabing outbreak area, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Sa inisyal na ulat ng Balitang DF, kinumpirma ng Department of Agriculture  (DA) ang unang kaso ng avian flu sa bansa na unang natuklasan sa isang quail farm sa Pampanga at kumalat sa mga katabing poultry farms.