Duterte dinepensahan ang pagkakatalaga kay Espenido sa Iloilo; Drilon nababahala

Public Domain

Dinepensahan  ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pagkakatalaga kay Police Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, sinabi ng Pangulo na isang ‘dedicated man’ si Espenido at alam nito ang batas.

Wika pa ni Duterte, mainam na maipatupad din sa ibang lugar ang mga nagawa ni Espenido upang mapuksa ang ilegal na droga.

Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, inanunsyo ni Duterte na si Espenido ay itatalaga bilang hepe ng pulisya sa Iloilo.

Ngunit paalala rin ni Duterte kay Espenido, tiyaking matutupad ang kailangan sa performance of duty at sumunod pa rin sa rules of engagement.

Saad pa ni Duterte, si Espenido raw ang humiling na maitalaga ito sa Iloilo.

Si Espenido ang noo’y chief ng Albuera Police nang maaresto si Rolando Espinosa Sr. kaugnay sa iligal na droga sa Leyte at kalauna’y napaslang sa loob ng piitan sa isinagawang anti-drug operation sa Baybay City, Leyte noong Nobyembre 2016.

Disyembre 2016 nang mailipat si Espenido  sa Ozamiz City.

Makaraan ang pitong buwan, napatay si Mayor Reynaldo Parojinog at 15 iba pa sa isinagawang drug raid.

Sa Iloilo ang susunod na assignment ni Espenido, kung saan inilarawan ni Duterte bilang ‘most shabulized’ ang lugar.  Dito rin namayagpag si Mayor Jed Mabilog na sinasabing sangkot din diumano sa operasyon ng droga at kabilang sa narcolist ng Pangulo.

Samantala, tiwala naman si Senador Panfilo Lacson sa pagkakatalaga kay Espenido sa  Iloilo sapagkat alam nito ang kaniyang ginagawa.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si Senador Franklin Drilon sa pagkakatalaga kay Espenido sa Iloilo dahil sa track record nito. Si Drilon ay second cousin ni Mayor Jed Mabilog.