Gordon, dismayado at kinukuwestiyon ang pananahimik ni Duterte sa isyu ng smuggled shabu sa BOC; Palasyo, nagpaliwanag

File photoFile photo

Inamin ni Senador Richard Gordon na dismayado siya at kinukuwestiyon niya ang pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng smuggled shabu sa Bureau of Customs (BOC) na ipinaliwanag naman ng Malacañang.

Ani Gordon, halos lahat sila na mga senador ay kinukuwestiyon ang pananahimik ng Pangulo sa nasabing eskandalo sa BOC at ang pagbibigay pa nito ng kumpiyansa kay Commissioner Nicanor Faeldon.

Ito ay bilang suporta rin ni Gordon sa unang pagpuna ni Senador Panfilo Lacson sa diumanong pananahimik ng Commander-in-Chief.

Sinabi ni Lacson na tila walang nakikitang galit mula sa Punong Ehekutibo, ayon sa ulat ng Abante.

Ngunit, sinabi ni Gordon na maaaring may hawak na impormasyon ang Pangulo kung kaya’t bibigyan niya ito ng ‘benefit of the doubt’.

Ani Gordon: “I give the President the benefit of the doubt, hinihintay ko siya. Maaring may impormasyon ang Pangulo na hindi natin alam.”

Samantala, nilinaw ng Malacañang na pinili ng Pangulo na manahimik dahil nais nito ang buong katotohanan, ayon sa ulat ng SunStar.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella: “As the President said, he does not intervene in matters like this. He will allow the process to unfold. So it’s not unusual that he’s quiet about that. He’s simply saying that he will not interfere because the process has begun.”