Halos dalawang milyong pisong halaga ng shabu nadiskubre sa nagliyab na motorsiklo

Image from PNPImage from PNP

Tinatayang aabot sa P1.8 milyon ang halaga ng shabu na nadiskubre ng mga awtoridad sa isang nagliliyab na motorsiklo sa gitna ng kalsada sa Antipolo City.

Ayon sa ulat ng Hataw Tabloid, sinabi umano ni P/Insp. Rolly Baylon, hepe ng Police Community Precint 1 ng Antipolo police, na nakatanggap sila ng isang tawag dakong 2:55 ng hapon hinggil sa isang nasusunog na motorsiklo sa kahabaan ng Marcos Highway na nasasakupan ng Barangay Mayamot.

Agad umano silang rumesponde kasama ang isang truck ng bumbero, subalit laking gulat nila nang sa halip na makipag-ugnayan ang driver ng motorsiklo na inabutan pa nila sa lugar ng pinangyarihan ay mabilis itong tumalilis at nawala.

Nang maapula na ang apoy ay tumambad sa mga pulis ang tatlong pakete ng shabu na itinago sa compartment ng motorsiklo. Tinatayang aabot sa 280 gramo ang ilegal na droga na may street value na P1.8 milyon.

Nakilala naman ang rider sa pamamagitan ng naiwan nitong driver’s license bilang si Rick Santos Ferrera, 42-anyos na residente ng Angono, Rizal.