Ina ni Onyok, nagsalita na hinggil sa pagkawala ng kaniyang anak sa ‘Ang Probinsyano’

Image via Instagram account of onyokxymonpineda

Nagsalita na ang ina ni Xymon Ezekiel Pineda o mas kilala sa pangalang ‘Onyok’ hinggil sa pagkawala ng kaniyang anak sa “Ang Probinsyano”.

Ayon kay Mary Ann Nulos: “Nag-decide po muna kami na medyo pahinga muna siya kasi magre-regular school na po siya, para maka-focus siya sa studies niya. Noon po, nag-aaral din po siya nung nasa Ang Probinsyano, home study po ‘yun. Ngayon, para maka-focus siya, regular school po siya. Yun po, nag-aaral po siya ngayon.”

Naging sentro ng intriga ang ina ni ‘Onyok’ dahil sa diumanong attitude at demands na sinasabing dahilan sa pagkawala ng child actor sa teleserye, ayon sa ulat ng PEP.

Itinanggi naman ni Mary Ann na siya ang rason sa pagkawala ng anak sa palabas.

Aniya: “Minsan lang, ‘pag nagtatanong ako tungkol sa cut-off, ‘yung sa oras minsan nagtatanong po ako kung anong oras na ba, ‘pack-up na po ba? Ganun lang naman po.”

Dagdag pa niya: “Si Coco na rin po, ‘di ba, ang nagpaliwanag na, ‘yun nga, school muna siya [Onyok].”

Sa inisyal na ulat ng TNP, isang panayam mula kay Coco Martin ang sumusuporta sa pahayag ni Mary Ann.

Ayon sa aktor, walang ‘bad blood’ sa pagitan ni Mary Ann at ng crew members.

Aniya, masaya siya na makita si ‘Onyok’ na lumaki at masaksihan na sa pamamagitan ng kinita nito mula sa palabas ay nakabili ito ng bahay at kotse para sa kaniyang pamilya.