Kasambahay sa Hong Kong, pinagbabawalan gumamit ng aircon? 

Public domain

Pinagbabawalan na ba ang mga kasambahay sa Hong Kong na gumamit ng aircon?

Isang pangkat ng migranteng manggagawa sa Hong Kong ang pumalag sa balak ng isang mambabatas na maghain ng batas upang pagbawalan ang mga domestic helper na gumamit ng aircon.

Isinusulong ni Michael Lee na magkaroon ng batas upang kontrolin o kaya’y tuluyang pagbawalan ang mga kasambahay sa paggamit ng nasabing appliance, ayon sa ulat ng State of the Nation.

Ito ay bunsod sa isang Facebook post ng isang amo na nagalit sa kaniyang kasambahay dahil sa pagbukas nito ng aircon sa kaniyang silid na walang permiso, ayon sa ulat ng Inquirer.

Ani Lee: “If they come from the hot country, they should get used to the hot weather.”

Ayon kay Dolores Balladare ng Uni-Fil-Migrante, Hong Kong, isa itong diskriminasyon para sa mga domestic helper.

Aniya: “Nakakagalit ‘yung proposal na magkaroon ng rule sa employer at employee sa paggamit ng aircon sa bahay. Tingin namin ito ay bahagi nung social exclusion, ‘yung pag-exclude sa mga domestic helper, pag-isolate sa amin dito sa community ng Hong Kong para sa paggamit ng mga kagamitan sa bahay. Hindi kami pumapabor doon, it’s a discriminatory sa amin.”

Ang kalusugan umano ng mga kasambahay ay maaapektuhan kung hindi maayos ang kanilang kalagayan sa kanilang trabaho.

Sa kasalukuyan, halos 190,000 na Pilipino na ang nagtratrabaho na kasambahay sa Hong Kong habang ang ilang domestic helpers ay mula sa Indonesia, Myanmar, at Bangladesh, ayon sa ulat ng GMA.