Komedyanteng si Vhong Navarro, naging emosyonal dahil sa Ama

Imahe mula sa Twitter

Naging emosyonal ang komedyanteng si Vhong Navarro sa kanyang guesting sa “Magandang Buhay” nitong Martes sa ABS-CBN dahil sa kanyang ama na si Danilo Navarro. Inamin ni Vhong na muntikan nang mawala sa kanya ang kanyang ama dahil sa karamdaman.

Aniya: “Si Daddy ngayon, medyo hirap nang huminga. Kaya bibihira kaming lumabas kasi kaunting lakad lang, hinihingal na. Natutuwa ako kasi malakas ang loob niya, palaban. Actually, kamuntikan na ang daddy ko. Ito lang year na ito, kamuntikan na. Buti na lang nadala sa ospital at na-extend pa ‘yung buhay niya.”

Bagama’t pinipilit niyang hindi maiyak, ibinahagi rin ni Vhong ang kahalagahan ng kanyang ama sa kanyang buhay.

“Isa ‘yon sa ipinagdarasal ko, na sana’y humaba pa ang buhay ng Daddy ko. Kasi isa ‘yan sa mga lakas ko. Kasi ngayon ko naiintindihan ang mga magulang dahil magulang na rin ako. Kaya pala tayo nagiging mahigpit sa anak natin kasi, iniisip mo ‘yung future nila. Kapag anak ka, hindi mo naaappreciate ‘yon. Sasabihin mo, ‘ang higpit mo naman, unfair kayo.’ Pero sa mga magulang, ‘hindi para sa amin ‘to, ito ay para sa inyo.’ Ngayon, ito ang bawi. Kung ano ‘yung ginawa nilang kabutihan sa akin, ito ang balik ko.”

Samantala, si Vhong ay ama sa dalawa niyang anak na sina Yce at Bruno. Naging bukas sa publiko ang pagiging ama niya sa dalawang anak na sa kanyang dating panayam ay inamin niya ang pagiging ‘late bloomer’ bilang ama sa mga ito.

Mas naging madamdamin si Vhong nang hingan ito ng mensahe para sa ama at narito ang kanyang sinabi: “Daddy ko, salamat kasi malakas ang loob mo. Nilalabanan mo ‘yung pinaghihirapan mo sa sakit mo. Kasi kaming mga magkakapatid, kapag bumigay ka o sumuko ka, wala kaming magagawa. Talo kami doon. Kami ay nandito para sumuporta sa iyo. Salamat dahil nilalabanan mo ang lahat ng pagsubok na ‘yon. At huwag kang mag-alala dahil nandito lang kami at gusto ka pa naming makasama nang matagal.”

Panoorin ang video mula sa “Magandang Buhay” ng ABS-CBN: