Maagang sintomas nga ba ng HIV ang pabalik-balik na balakubak o pagkakaroon ng pigsa?

Public domainPublic domain

May mga pagkakataon na lumalabas ang sintomas ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) kapag nasa advanced stage na ito at tinatawag nang Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS).

Inihayag ng isang doctor at chairman emeritus ng dermatology department ng East Avenue Medical Center na maituturing na maagang sintomas ng HIV ang paulit-ulit at tila hindi nawawala na balakubak o pagkakaroon ng pigsa.

Paliwanag ni Dr. Mar Cruz: “Ang HIV, pangkaraniwan na nakikita namin, magugulat kayo, may balakubak. Kapag may balakubak, paulit-ulit tapos punta kayo nang punta sa dermatologists, o kung kani-kanino, kapag sinabi namin ‘Puwedeng magpa-check ka ng HIV?’ ‘Bakit po? Balakubak lang ho iyan e.’ Pero iyon ang unang-unang nakikita namin.”

Sinabi rin ni Dr. Cruz na kapansin-pansin din sa taong may HIV ang panunuyo ng balat at iba’t ibang kondisyon ng balat ang naglalabasan tulad ng pigsa o psoriasis.

Ayon pa sa doktor, karaniwan na umuulit ang herpes sa taong mayroong HIV na maaaring lumabas bilang singaw sa bahagi ng labi o kaya maaaring makita sa ari.

Ito ay nangyayari dahil unti-unti na rin humihina ang immune system.

Isinusulong naman ng Department of Health (DOH) ang kahalagan ng pagkuha ng HIV test upang matukoy ang early detection nito, ayon sa ulat ng DZMM.

Ayon kay Dr. Cruz, kahit walang lunas ang HIV ay mayroong antiretroviral drugs na magpapababa ng “viral load” at libreng ibinibigay ng DOH.

Dagdag pa niya, ang isang tao na may HIV ay maaaring magkaroon ng allergic reaction sa antiretroviral drugs kung kaya’t inaalis ito sa treatment o pinapalitan ng iba.

Kapag nabigyan naman ng antiretroviral drugs ang taong may HIV ay unti-unting umaayos ang kondisyon ng kaniyang balat dahil lumakas na ang immune system.

Iginiit din ni Dr. Cruz na hindi nakahahawa ang HIV tulad ng laway.

Sinusuri naman ng mga eksperto ang isang uri ng gamot sa bansa upang maiwasan ang pagkahawa sa HIV.

Samantala, ipinaliwanag ng DOH, malaki ang kinalaman ng social media at maging ang networking sites sa pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa dahil napapadali nito ang pagkuha ng sex partner, ayon sa ulat ng Balitang DF.