Makapagtatrabaho nga ba ang CHR kahit walang pondo?

Public domainPublic domain

Makapagtatrabaho nga ba ang Commission on Human Rights (CHR) kahit walang pondo?

Ipinahayag ng isang mambabatas na kahit alisan ng pondo ang CHR ay puwede pa rin itong makapagtrabaho.

Ito ang ipinaliwanag ni House Appropriations Committee Chairman Rep. Karlo Alexei Nograles.

Ayon kay Nograles, maaaring lumapit ang CHR sa Department of Budget and Management (DBM) o sa Office of the President sakaling hindi mabigyan ng pondo ng Kongreso.

Ang komite naman ni Nograles ang sumusuri kung ang pondo ng CHR ay nagagamit nang maayos at kung ginagampanan nito ang kanilang tungkulin, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Sa kabila nito, ipinaubaya na ni Nograles sa kaniyang mga kasamahan sa Kamara kung aalisan ng pondo ang CHR sa susunod na taon.

Ito ay bunsod sa naging banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa CHR na ‘zero budget’ sa 2018 dahil umano sa pagkadismaya niya sa komisyon, ayon sa ulat ng Balitang DF.

Ani Avarez: “Itong ating Commission on Human Rights ay ang pino-focus lang ay ‘yung mga karapatan ng kriminal at tipong wala silang pakialam dun sa karapatan nung mga biktima nitong mga kriminal na ito. Madalas kong maobserbahan ito at matagal ko nang inoobserbahan ito na tuwing merong mga massacre na ginagawa itong mga kriminal, itong mga drug addicts eh tahimik sila. Parang pasko sa kanila yun—yung ‘Silent Night’—walang comment.”