Opisyal ng PNP, kinumpirmang may listahan sila ng mga kapitang sangkot sa droga

Mga imahe mula sa Wikipedia at sa Manila Bulletin website.

Inamin ng isang opiyal ng Philippine National Police (PNP) na mayroon silang hawak na listahan ng mga barangay kapitan na hinihinalang sangkot sa bawal na gamot.

Hinggil sa isang artikulo ng GMA News, sinabi ito ni PNP Deputy Director for Operations, Chief Supt. Emmanuel Licup sa isang pagdinig sa Kongreso noong Lunes, Agosto 14, 2017. Ang pagdinig ay hinggil sa pag-postpone sa eleksyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakda sa darating na Oktubre.

“There is a list, sir, pero I’m not familiar with the list neither [is] my office is involved in the validation,”sinabi ni Licup kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.

[Mayroon kaming listahan, sir, ngunit hindi kami pamilyar dito, at hindi rin nasuri ito ng aking opisina.]

Matatandaan na sinabi noon ni Pangulong Duterte na nais niyang magluklok na lamang ng mga opisyal sa mga barangay dahil 40 porsyento umano sa mga nakaluklok ngayon ay sangkot sa ilegal na droga, batay sa ulat ng ABS CBN News.

Gayun pa man, hindi naman makumpirma ni Licup kung pawang mga kapitan lamang ng barangay ang nasa sinasabi niyang listahan.

“I’m not so sure kung solely ang listahan po ay for barangay captains…[or for] other elected officials [also],” saad ng opisyal ng PNP.

[Hindi ako sigurado kung mga barangay kapitan lang ang nasa listahan…]