[Panoorin] Lolo patay matapos maipit sa ginagawa niyang elevator

Imahe mula sa ABS CBN video via You Tube

Wala talagang pinipiling oras ang aksidente.

Hindi na umabot sa kaniyang kaarawan ang isang lolong electrician matapos mamatay nang maipit sa bahagi ng service elevator ng isang condominium sa Parañaque City nitong Sabado, Agosto 12.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, ang biktima ay kinilalang si Henry Villafranca. Naganap ang aksidente habang ginagawa nito ang service elevator.

Salaysay ni Arturo Abriza, bayaw ng biktima,  nasa ibabaw ng elevator ang lolo nang mahulog siya sa gilid nito at nauna ang ulo.

Iyong elevator biglang umandar kaya siguro na-out of balance siya,” ani Abriza.

Inabot ng anim na oras ang pagtanggal kay Villafranca ngunit patay na rin nang makuha dahil sa tinamong mga pinsala at bali-baling tadyang.

Ayon sa ulat, ginamitan pa ng metal cutter ng Parañaque Rescue Team ang gilid na bahagi ng service elevator upang makuha ang biktima at doo’y tumambad sa kanila ang lalaking nakatiwarik at patay na nang ito’y mabuksan.

Nanawagan naman ng tulong mula sa condominium ang pamilya ng  senior citizen.

Breadwinner ng pamilya ang biktima. Nakatakda na ring tumigil sa paghahanap-buhay si Villafranca sa Setyembre na  kaniyang kaarawan.

Tumanggi munang humarap sa media ang pamunuan ng condominium, ngunit ayon sa kanilang security office, patuloy ang koordinasyon sa pamilya ni Villafranca.

Ang mga labi ni Villafranca ay nakatakdang iburol sa kanilang tahanan sa Dasmariñas, Cavite.

Panoorin ang ulat na ito sa video ng ABS CBN:

Source :

You Tube, ABS CBN