Paunang P29-M tulong sa mga poultry farmers na apektado ng bird flu ipinagkaloob ni Duterte

Imahe mula sa Sentro Balita video via You Tube

Ipinagkaloob ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P29-M na paunang tulong sa mga poultry farmer na naapektuhan ng avian flu sa San Luis, Pampanga at sa Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija.

Ayon sa ulat ng  Radyo Inquirer, ito’y ibinigay sa San Fernando City, Pampanga makaraan ang pagdalo ni Duterte sa selebrasyon ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani.

Nagpasalamat umano si Duterte sa agarang aksiyon ng mga ahensiya ng pamahalaan upang maiwasan ang paglaganap ng virus.

Ayon sa ulat, ang P29-M ay bahagi ng kabuuang P43.31 million na ipagkakaloob ng Department of Agriculture sa lahat ng apektadong poultry farmers.

Maglalaan din ng P20 million ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) sa Rural Bank of San Luis bilang no-collateral at no-interest loans sa mga farm workers.

Samantala, ilang beses pang naantala ang talumpati ni Pangulong Duterte dahil sa pag-ubo nito.

Ayon sa pangulo, naubo siya dahil sa ibinigay sa kaniyang bulaklak bilang bahagi ng pagsalubong sa kaniya.

Biro pa nito,  kapag siya’y namatay ay huwag siyang bibigyan ng bulaklak sa burol dahil baka siya maubo.

Makalipas ang talumpati pinangunahan ni Duterte ang boodle fight na mga chicken-based dishes ang nakalatag sa San Fernando, Pampanga upang maipakitang ligtas kainin ang mga manok sa gitna ng bird flu outbreak sa probinsiya.

Panoorin ang ulat na ito ng Sentro Balita: