Recruiter ng mga teroristang ipinadadala sa Marawi City, naaresto sa Indonesia

Image from Free Malaysia Today

Arestado sa Indonesia ang isang pinaghihinalaang recruiter at fundraiser ng mga militanteng maka-ISIS na ipinadadala sa Marawi City.

Ayon sa ulat ng Reuters, inaresto ng Indonesian Police ang isang pinaniniwalaang miyembro ng Jemaah Ansharut Daulah, isang radikal na grupo sa Indonesia na nanumpa ng katapatan sa ISIS, na ngayon ay kasalukuyang nakapiit na sa Jakarta.

Sinabi ng tagapagsalita ng Indonesian Police na si Chief Inspector General Setyo Wasisto na ang suspek ang tagahanap ng mga militante na ipinapadala sa Marawi City at maging sa Syria.

Kung ilan na ang na-recruit ng suspek ay hindi pa malinaw, ayon pa rin kay Wasisto. Subalit ayon sa counter-terrorism group ng Indonesia, tinatayang hindi bababa sa 20 Indonesian at ilang Malaysian at Middle Eastern na mga militante ang nagtungo sa Marawi City.

Pinaniniwalaan din na ang nahuling suspek ang siya ring nagsagawa ng fundraising para sa recruitment ng mga militante.