Speaker Alvarez kay Comelec Chair Bautista: Dapat pag-isipan mo nang magbitiw

Mga imahe mula sa Bombo Radyo Iloilo at Andres D. Bautista FB pages.

Dapat na umanong pag-isipan ni Commission on Elections (Comelec) Chair. Andres Bautista ang pagbibitiw sa kanyang puwesto matapos madungisan ang kanyang pangalan sa mga rebelasyon ng kanyang asawa.

Batay sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, sinabi ito ni Alavarez sa isang pahayag sa telebisyon noong Miyerkules, Agosto 16, 2017.

Sinabi ni Alvarez na ang asawa ni Bautista na si Patricia Cruz-Bautista ay may karapatang maghain ng impeachment complaint dahil may sapat umano itong karapatan sa ‘di umano’y nasa P1 bilyong tagong yaman ng pinuno ng Comelec.

“I think Chairman Bautista should consider that (resigning) seriously…Because as the head of the agency that is handling the country’s elections, someone credible is needed. If he’s already tainted, it does not look good,” saad ni Alvarez sa kanyang panayam sa “Headstart” ng ANC, hinggil sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.

[Sa tingin ko, dapat nang maiging pag-isipan ni Chairman Bautista ang pagbibitiw… Dahil bilang pinuno ng ahensyang humahawak sa eleksyon, ang kailangang maupo rito ay may kredebilidad. Kung siya ay nadungisan na, hindi ito magandang tingnan.]

Noong Agosto 1, 2017 ay inilapit ni Patricia sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y nasa P1 bilyong tagong yaman ng kanyang asawa, hinggil sa isang artikulo ng Rappler.