‘Transparency’ sa Commission on Appointments, panawagan ni Bise Presidente Robredo

Mga imahe mula sa VP Leni Robredo at Manay Judy Taguiwalo FB pages.

Nanawagan ng “transparency” sa Commission on Appointments (CA) si Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo matapos tanggihan ng CA ang nominasyon ni Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa pangalawang pangulo, ang dahilan sa pagtanggi sa mga iniluklok ni Pangulong Rodrigo Duterte ay dapat malaman ng mga tao. Sinabi ito ni Robredo isang araw matapos humindi ang CA sa kanyang nominasyon.

“Siguro mas gugustuhin sana natin na mas transparent din iyong process, mas alam natin kung bakit na-reject,” sabi Robredo, batay sa isang artikulo ng Philippine Star.

Si Taguiwalo, isang kilalang matulunging aktibista, ang ikatlong nominante ni Pangulong Duterte na hindi kinumpirma ng CA. Ang makapangyarihang CA ay binubuo ng mga senador at mga kongresista. Ang kanilang mga boto ay lihim at bawal isapubliko sang-ayon sa batas.

Ang unang hinindian ng CA ay si Perfecto Yasay bilang kailihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.

Ang sumunod kay Yasay ay si Gina Lopez, sikat na maka-kalikasang aktibista. Si Lopez ay hindi kinumpirma bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Naging mainit siya sa ilang mga negosyante dahil sa pagtutol niya sa ilegal na pagmimina na nakasisira sa kalikasan.

“Maraming mga nangyari in the past. Halimbawa, si Secretary Gina Lopez, na nalungkot tayo na na-reject iyong appointment. Si Secretary Judy Taguiwalo, na-reject iyong appointment. Iyong asawa ko, he was secretary for two years, pero never na na-confirm,” saad ng pangalawang pangulo.