2 araw na tigil-pasada ng Stop & Go Coalition, umarangkada na

Image capture of video by Eagle News via YouTube

Nitong araw ng Lunes, ika-25 ng Setyembre ay umarangkada ang tigil-pasada ng grupong Stop & Go Coalition upang ihayag ang kanilang pagtutol sa jeepney modernization program ng pamahalaan na nakatakdang simulan sa 2018.

Hiling ng grupo na hayaan na lang ang mga may-ari ng mga lumang jeepney na ipaayos ang mga iyon sa halip na pilitin silang bumili ng e-jeep na nagkakahalaga ng P1.6 milyon bawat isa.

Ang transport strike ay tatagal hanggang Martes, ika-26 ng Setyembre, ayon sa pangulo ng Stop & Go Coalition na si Jun Magno.

Nagpahayag naman ang Highway Patrol Group ng Philippine National Police na babantayan nila at hindi papayagan ang mga tsuper na manghaharang ng ibang jeepney upang piliting sumama sa transport strike. Nangako naman ang grupo ni Magno na hindi nila haharangin ang mga jeepney na hindi makikilahok sa tigil-pasada.

Ilang transport groups, partikular na sa regions 4-A, 9, 10 at 11, ang diumano ay hindi makikiisa sa tigil-pasada.

Sa ulat ng DWIZ, handa na umano ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang siguruhing hindi mapeperwisyo ang mga pasahero at motorista na  maaapektuhan ng strike. Libreng sakay ang alok ng MMDA sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.