65-anyos na turista, iniligtas ang tourist bus sa pagkahulog sa 300-talampakang bangin

Image from Holiday in the Alps

Dahil sa bilis ng reflexes ng isang 65-anyos na turistang Pranses ay napigilan nitong mahulog sa matarik at malalim na bangin sa Austrian Alps ang sinasakyan nilang tourist bus na may sakay na 21 pasahero.

Ayon sa The Straits Times, binabagtas ng tourist bus ang isang high-altitude road malapit sa lungsod ng Schwaz sa western Austria nang sumama ang pakiramdam ng tsuper at bigla itong natumba. Nawalan ng kontrol ang takbo ng bus at bumangga sa guard rail ng kalsada.

Bumitin ang bus sa guard rail at mahuhulog na iyon sa bangin, na tinatayang may lalim na 300 talampakan, nang biglang umaksyon ang matandang turistang Pranses at nagawang ipreno ang sasakyan.

Ayon sa tagapagsalita ng pulisya sa Austria gabuhok na lang ang pagitan at isang sakuna na sana ang naganap. Isang napakalaking suwerte umano na ang mabilis na reflexes ng isang turista ay nagawang pahintuin ang mahuhulog na bus.

Siyam sa mga pasahero ang dinala sa isang pagamutan matapos masaktan sa insidente na naganap noong Sabado, ika-23 ng Setyembre.