7 Pinoy security guard na miyembro umano ng Abu Sayyaf Group, arestado sa Malaysia

Image from PDRM

Pitong Pilipino na diumano ay namamasukan bilang mga security guard sa mga pribadong kumpanya sa Kuala Lumpur ang inaresto ng pulisya sa Malaysia.

Ayon sa ulat ng Malasiakini, ang pitong Pinoy ay pinaghihinalaang mga miyembro ng Abu Sayyaf.

Sa pahayag ni Inspector General ng national police na si Mohamad Fuzi Harun, ang mga inarestong suspek na may edad na 22 hanggang 38 ay hinuli ng Bukit Aman’s Counter Terrorism Division noong ika-14 ng Setyembre sa magkakahiwalay na lugar sa Kuala Lumpur.

Kumpirmado umano na ang 22-anyos na inaresto ay kasapi ng Abu Sayyaf na dati nang nasangkot sa pakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan ng Pilipinas at sa pangingidnap sa Mindanao.

Ayon  pa kay Harun, ang ginawang operasyon laban sa pitong Pilipino ay batay sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad matapos nilang mahadlangan ang planong pag-atake ng Abu Sayyaf sa closing ceremony ng South East Asian Games sa Kuala Lumpur noong Agosto.

Dagdag pa ng opisyal, ang pitong suspek ay pumasok sa Malaysia sa pamamagitan ng pagdaan sa Sabah sa Borneo noong September 2015.