Alvarez: Tutukan ang pananabotahe sa drug war ni Duterte; Robredo, duda na may nangyayaring pananabotahe

File photo

“May sumasabotahe nga kaya sa ‘war on drugs’ ng pamahalaan o sadyang nadadamay lamang ang mga menor de edad?”

Tiniyak ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na tututukan ng Kamara ang imbestigasyon sa pananabotahe sa ‘war on drugs’ ni Pangulong Rodrigo Duterte habang duda naman si Bise Pangulo Leni Robredo na may nangyayaring pananabotahe sa nasabing kampanya ng pamahalaan.

Paliwanag ni Alvarez: “Alam mo kailangan talagang imbestigahan ‘yun, kasi makikita natin ‘yung proseso na sadyang itong mga minors [ay] sunod-sunod eh, [na] pinapatay. So anong motibo rito, hindi ba? Malinaw, para mag-aklas, magalit doon sa administrasyon.”

Giit pa ng house speaker na maaaring gawa ito ng mga drug lord upang mahinto ang kampanya laban sa ilegal na droga sapagkat matindi na ang epekto nito sa kanilang negosyo o maaari rin na dahil ito sa pulitika, ayon sa ulat ng Abante Tonite.

Aniya: “O maaaring gawain din ito ng politika. Dalawa ang possibilities dito. Pero para sabihin na gawa ito ng administrasyon, kalokohan ‘yun.”

Dagdag pa niya: “Kaya nga kailangan, sabi ko kailangan na­ting imbestigahang mabuti­ iyan, malalim iyan, hindi ‘yan basta ganoon lang.”

Sa inisyal na ulat ng Balita DF, naniniwala rin ang Malacañang na may posibleng nagaganap na sabwatan sa mga narco-politicians at drug lords upang isabotahe ang ‘war on drugs’ ng Pangulo.

Samantala, ayon naman kay Robredo ang resulta ng mga insidente sa pagkamatay ng mga menor de edad ay dahil nadadamay na rin ang mga ito, ayon sa ulat ng RMN.

Ayon pa sa Bise Pangulo, kahit matindi ang problema ng bansa sa iligal na droga ay hindi pa rin solusyon ang pagpatay.