Bangkay ni Reynaldo “Kulot” de Guzman, handang ipahukay ng CIDG kung ipag-uutos ng korte

Image capture of video by Rodil Vega via Twitter

Nanindigan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) na hindi si Reynaldo de Guzman, alyas Kulot, ang inilibing sa Pasig Public Cemetery nitong Miyerkules ng umaga, ika-13 ng Setyembre.

Sa ulat ng RMN, handa umanong ipahukay ng CIDG ang bangkay kapag naglabas ng order ang korte.

Ayon kay PNP CIDG National Capital Region Chief Sr. Supt. Wilson Asueta na hindi sila mag-aatubiling hukayin ang bangkay ng binatilyo kapag naglabas ng kautusan ang anumang korte.

Batay sa resulta ng DNA test na isinagawa ng PNP Crime Laboratory, hindi umano maaaring si “Kulot” ang natagpuang bangkay sa Nueva Ecija dahil hindi nagtugma ang DNA samples na nakuha sa bangkay at sa mga magulang ni “Kulot.”

Iginiit naman ni Eduardo at Lina Gabriel, mga magulang ng binatilyo, na anak nila ang kanilang ipinalibing dahil positibo nila itong kinilala base sa mga palatandaan sa katawan nito tulad ng peklat sa leeg at kulugo sa tuhod.

Nagkaroon ng kaunting tensiyon sa huling gabi ng lamay ng binatilyo matapos magtungo roon ang CIDG upang hilingin sa mga magulang na i-turn over sa PNP ang bangkay upang muling masuri, ngunit tumanggi ang mag-asawa.