Batang babae sa India, katakatakang lumuluha ng tila bulak

Image from Nayi Duniya

Sa isang distrito sa Madhya Pradesh sa India, isang 11-taong gulang na batang babae ang diumano’y lumuluha ng maliliit na bulak; bagay na ikinatatakot ng mga residente doon sa pag-aakalang supernatural ang maaaring sanhi nito.

Ayon sa Oddity Central, may lumalabas na tila bulak at puting sinulid sa mga mata ng bata na kinilalang si Manasi.

Sinabi ng ama ni Manasi na si Gendalal Kevat na lumuluha ang kanyang anak ng mula 30 hanggang 40 piraso ng bulak araw-araw sa loob ng nagdaang dalawang linggo.

Isang lokal na doktor na umano ang tumingin sa bata upang masuri ang mga puting bagay mula sa mga mata nito, ngunit ang tanging nagawa ng manggagamot ay irekomenda na magpatingin sa isang propesyunal na manggagamot sa mata si Manasi.

Isang opthalmologist na nagngangalang Dr. Pawan Setak ang nagsabi na ang kondisyon ni Manasi ay maaaring sanhi ng kakulangan sa Vitamin A. Aniya, ang mga malnourished na bata tulad ni Manasi, kung minsan, ay kinakikitaan ng mga “discharge” na tila mga bulak mula sa sulok ng kanilang mga mata.