Daan-daang residente sa Batangas lumikas dahil sa sagupaan ng NPA, militar

Image from The Marxist-Leninist

Daan-daang residente sa isang barangay sa bulubunduking bahagi ng Batangas City ang napilitang iwanan ang kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na labanan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at ng mga sundalo.

Sa pahayag ng Public Information Office ng Batangas City, 137 na pamilya ang lumikas at nagkanlong sa dalawang barangay sa lungsod.

Ayon sa ulat ng Inquirer, nagsimula ang bakbakan dakong alas-nuwebe ng umaga noong Linggo, ika-24 ng Setyembre, sa Barangay Cumba sa bayan ng Talumpok Silangan at nagpatuloy hanggang Lunes, ika-25 ng Setyembre.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Col. Arnulfo Burgos, ang commander ng 202nd Infantry Brigade, na nag-deploy pa sila ng dalawang pangkat ng mga sundalo sa lugar upang tugisin ang mga natitira pang mga rebelde na tumatakas mula sa kanilang pinagkutaan.

Nagsagawa rin ng serye ng airstrikes ang Philippine Air Force sa paligid ng Mt. Banoy sa Talumpok Silangan upang pigilan ang mga rebelde sa pagtatanim ng mga improvised explosive device.

Isang rebelde ang naiulat na nasawi sa bakbakan at maraming iba pa ang sugatan, samantalang isa lang ang nasaktan sa panig ng mga sundalo..