Dalawang pasahero nasaktan sa biglang pagpreno ng MRT-3 matapos magka-aberya

Image from MRT3 Philippines

Dalawang pasahero ang diumano ay nasaktan matapos biglang magpreno ang tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nang mag-mulfunction ito sa Mandaluyong City nitong Miyerkules ng umaga, ika-13 ng Setyembre.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sinabi umano ni Department of Transportion Undersecretary Cesar Chavez na ang mga nasaktan ay isang 30-anyos na babae na nagtamo ng gasgas sa kanang braso at isang 68-anyos na lalaki na dumaing na masakit daw ang kaliwang dibdib.

Batay sa post ng DOTC-MRT3 sa Twitter, nangyari umano ang insidente dakong 7:13 ng umaga sa northbound ng Shaw Boulevard Station nang magkaaberya ang Automatic Train Protection onboard signalling system ng tren na siyang naging dahilan ng biglaang pagpreno nito.

Halos kasabay ng pangyayaring ito, isa pang tren ng MRT-3 ang nag-malfunction dakong 7:12 ng umaga kaya napilitang magbaba ng pasahero sa southbound ng Santolan Station. Problema rin daw sa onboard signaling system ang dahilan ng aberya.

Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 sa mga nangyaring aberya.