Honeylet, inimbitahan ni US First Lady Melania Trump kaya nasa New York – Palasyo

Image from Oliver King‎'s Facebook post

MAYNILA, Pilipinas  –  Imbitado ni US First Lady Melania Trump; ito ang naging paliwanag ng Malakanyang kung bakit namataan sa New York ang partner ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña.

Umani ng samu’t-saring reaksyon sa social media ang balitang nasa New York si Avanceña kasama nina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano. Si Cayetano ay dumalo sa United Nations General Assembly (UNGA) subalit hindi kasama sa opisyal na delegasyon ang common-law wife ng Pangulo.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, inimbitahan ni Melania si Honeylet. Maliban dito, dadalo rin sa ilang mga pagtitipon ang kinakasama ni Duterte bilang bahagi ng kanyang mga adbokasiya.

“Madame Cielito Avanceña is on a personal trip to NY (New York) to attend an event upon the invitation of First Lady of The U.S., Madame Melania Trump,” ani Abella.

Nitong Miyerkules, nagbigay ng talumpati si Melania sa UNGA na dinaluhan ng mga misis ng mga lider mula sa iba’t-ibang bansa kasama na si Honeylet.

Namataan din siyang nanood ng “Miss Saigon” sa Broadway theater noong Martes ng gabi.

Samantala, mas pinili naman ni Pangulong Duterte na huwag nang dumalo sa UNGA upang tutukan ang krisis sa Marawi. Ipinadala niya si Cayetano bilang kinatawan sa pagtitipon.

Kasama ring dumalo ni Cayetano si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretray Mocha Uson na bahagi ng kanyang opisyal na delegasyon.