Ikalawang araw ng tigil-pasada hindi na itutuloy, malawakang transport strike pinaplano

Image capture of video by ABS-CBN

Hindi na itutuloy ng grupong Stop and Go Coalition ang ikalawang araw ng kanilang tigil-pasada na sinimulan nitong Lunes, ika-25 ng Setyembre.

Ayon sa ulat ng RMN, sinabi umano ng lider ng koalisyon na si Jun Magno na sa halip na ituloy ang ikalawang araw sana ng kanilang tigil-pasada sa Martes, ika-26 ng Setyembre, isang malawakang protesta sa buong bansa ang kanilang ikakasa.

Sinabi ni Magno na magkakaroon ng pagpupulong ang mga transport groups sa Sabado, ika-30 ng Setyembre, upang pag-usapan ang planong nationwide transport strike.

Ang tigil-pasada ay ginawa ng grupo bilang pagkondena sa jeepney modernization program ng pamahalaan kung saan ang mga lumang jeepney na pumapasada sa mga lansangan ay aalisin na at papalitan ng makabagong jeepney na de-kuryente.

Reklamo ng mga transport groups, napakamahal ng mga electric jeepney na isinusulong ng gobyerno na nagkakahalaga ng P1.6 milyon bawat isa. Ani Jun Magno, sana raw ay hayaan na lang ang mga may-ari ng lumang jeepney na ayusin at i-repair ang mga iyon.