Ilang imam payag nang bombahin ang mga mosque sa Marawi upang kaguluhan ay matapos na

Image capture of video by News5

Pumapayag na ang ilang imam na bombahin na ng militar ang mga mosque sa Marawi City na pinagkukutaan ng Maute Group.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, ipinahayag sa isang panayam ni Lanao del Sur 2nd District Board Member Abdulhamid Umpa Amerbitor, na isa umanong imam, ang pagpayag na bombahin na ng militar ang mga mosque na pinagtataguan ng mga lokal na terorista upang tuluyan nang matapos ang kaguluhan sa Marawi City.

Ani Amerbitor, bagama’t banal para sa kanila ang mga ito, walang ibang choice kundi bombahin na ang mga mosque upang maubos na ang mga terorista.

Aniya, hindi dapat mabahala ang militar na bombahin ang mga mosque dahil maaari namang palitan ang mga iyon.

Nagpahayag naman dito ng pagtutol ang militar. Ani Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Force Ranao, maaaring makakuha ng simpatiya mula sa mga sibilyan ang mga terorista kung bobombahin ang mga mosque.

Aniya, ipinapangako ng militar na hahanap ng paraan kung paano matatalo ang mga natitira pang miyembro ng Maute Group.