Isa sa mga frat members na suspek sa Castillo case, nakalabas na ng ‘Pinas

Image capture from GMA News video

MAYNILA, Pilipinas  –  Sa kabila ng inilabas na lookout bulletin, nakalabas na ng bansa ang isa sa tatlong ‘primary suspek’ sa pagkamatay ng diumano’y hazing victim na si Horacio Tomas Castillo III.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), lumipad patungong Taipei, Taiwan si Ralph Caballes Trangia sakay  ng Eva Air Flight BR262 noong Martes, isang araw bago ilabas ng Department of Justice (DOJ) ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa 16 na miyembro ng Aegis Juris fraternity.

Ganunpaman, malaki umano ang posibilidad na ang ibang nasa ILBO ay nasa bansa pa rin, ayon sa isang opisyal ng Immigration.

“The rest appears to still be in the country or do not have enough information on their identity to ascertain if they are the same person as the one appearing in BI records,” paliwanag ni Immigration spokesperson Maria Antonette Mangrobang sa ipinadalang text message sa Inquirer.

Si Trangia ay isa sa tatlong ‘primary suspect’ sa kaso ng namatay na University of Santo Tomas (UST) Law student na pinaghahanap ng Manila Police District.

Ang dalawa pang suspek ay ang kanyang amang si Antonio Trangia, may-ari ng Mitsubishi Strada pick-up truck na siyang nagdala kay Castillo sa pagamutan, at si John Paul Solano, isa sa miyembro ng fraternity na nauna nang nagsabi na siya ang nakatagpo sa bangkay ng estudyante sa Balut, Tondo noong Linggo ng gabi.