“Kulot” inilibing na sa Pasig City

Image capture of video by Rodil Vega via Twitter

Nailibing na si Reynaldo “Kulot” de Guzman, ang 14-anyos na batang tadtad ng saksak at nakuhang palutang-lutang sa isang creek sa Nueva Ecija, sa kabila ng resulta ng DNA test na isinagawa ng Philippine National Police Crime Laboratory na nagsasabing hindi si “Kulot” ang bangkay.

Ayon sa ulat ng GMA, alas-otso ng umaga nitong Miyekules, ika-13 ng Setyembre, ay dinala ang mga labi ni “Kulot” sa San Antonio Abad Parish sa Barangay Maybunga, Pasig City para sa funeral mass. Matapos ang misa ay tumuloy na ang funeral convoy sa Pasig Public Cemetery kung saan inilibing ang bata.

Nakasuot ng bulletproof vest ang ama ni “Kuot” na si Eduardo Gabriel bilang pagsunod umano sa standard operating procedure ng Witness Protection Program (WPP).

Hinubad naman ng asawa niyang si Lina ang kanyang bulletproof vest dahil mabigat umano ito. Mahigpit naman ang pagbabantay sa kanila ng mga tauhan ng WPP.

Ang mga magulang ni “Kulot” ay isinailalim sa WPP matapos may mga kahina-hinalang kalalakihan ang nakitang umaaligid sa kanilang bahay.